Pamimirata sa mga atletang Pinoy, dapat solusyonan

Ikinabahala Senator Francis Tolentino ang ulat na pamimirata ng ilang bansa sa mga atletang Pinoy dahil sa umano’y kakulangan ng pinansyal na suporta mula sa pamahalaan.

Sinabi ito ni Tolentino sa pagdinig ng Senado sa panukalang P375.238 milyong budget para sa Philippine Sports Commission (PSC).

Pangunahing tinukoy ni Tolentino ang mga atletang pinoy na pinirata ng ibang bansa ay sina reigning Pinay Golfer Yuka Saso at Chess Grandmaster Wesley So.


Nito lamang Hulyo ay nasungkit ni Saso ang kampyenato sa 2021 U.S. Open at nirepresenta pa ang Pilipinas sa katatapos lamang na Tokyo Olympics nitong Agosto.

Subalit inanunsyo niya kamakailan na na pipiliin niyang maging isang Japanese citizen at maglalaro para sa Japan.

Si So naman na ipinanganak at lumaki sa Bacoor, Cavite ang pinakabatang naging chess grandmaster ng Pilipinas sa edad na 14, subalit pormal na siyang naging U.S. citizen nito lamang Pebrero.

Inihalimbawa din ni Tolentino ang nangyayari sa Philippine Basketball Association (PBA), kung saan maraming manlalaro nito na kabilang rin sa Gilas Pilipinas national team ang nagpasyang maglaro sa ibang propesyonal na liga sa ibang bansa, kagaya sa Japan B-League.

Nagbabala si Tolentino na hindi malabong maulit na naman ang pamimirata ng mga mayayamang bansa sa mga Pinoy athlete kung hindi madadagdagan ang mga insentibong ibinibigay sa kanila.

Facebook Comments