Nakasama nina Partido Reporma presidential bet Senator Panfilo “Ping” Lacson at running-mate niyang si Senate President Vicente Sotto ang iba’t ibang mga social media influencer at youth group sa kanilang “online kumustahan” sa San Fernando, Pampanga nitong Linggo.
Dinaluhan ng Team Lacson-Sotto ang paanyaya ng kanilang mga millennial supporter sa Lausgroup Event Centre kung saan inorganisa nila ang Philipine dance competition 2021 para maipakita ang kanilang pagsuporta sa tambalang Lacson-Sotto sa pamamagitan ng kanilang talento sa pagsayaw at pag-rap.
Kabilang sa event ang mga online influencer na sina Awitgamer Cruz, Whamoscruz, Flict-G at ang sikat na rapper na si Crazy Mix na nagsilbing pampalukso ng dugo ng mga dumalo pati na rin ang Lacson-Sotto tandem.
Nasa 25 grupo ang naglalaban-laban sa kompetisyon at nagpasiklaban din sa kanilang ‘tara na, kay Ping Lacson’ jingle.
Sinalubong ng isang flash mob sina Lacson-Sotto at kanilang mga senatorial candidate na sina Dr. Minguita Padilla, Monsour Del Rosario, at dating Philippine National Police Chief Gen. Guillermo Eleazar.
Nagpaabot din ng pasasalamat ang Team Lacson sa mga kabataan na nagparehistro para sa May 2022 elections, dahil simbolo ito ng pagkakaroon ng pag-asa ng bansa.
“Ramdam namin ang pulso ng kabataan, kaya imbes na mag-retire kami ni President Ping, inalam namin kung paano resolbahin ang mga problema ng bayan. Kaya aasa kami sa tulong ninyong mga kabataan, habang kami naman ang tutulong sa ating bansa,” mensahe ni Sotto sa mga participant ng event.
Nagpaalala rin ito sa mga kabataan na kailangan ng mga Pilipino ng mga lider na tapat, may magandang track record sa pamahalaan at kayang magresolba ng mga problema ng bayan.
Umani ng libo-libong views at shares ang video ng online kumustahan ng Lacson-Sotto tandem na napanood din sa iba’t ibang social media platforms.