Hinimok ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers ang mga kaukulang ahensya ng gobyerno na i-validate ang mga ulat ng pamumulitika sa gitna ng relief efforts sa mga biktima ng Bagyong Odette.
Partikular na pinakikilos ni Barbers ang Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Social Welfare and Development (DSWD), at Presidential Anti-Corruption Commission (PACC).
Hinihiling ng kongresista sa mga nabanggit na ahensya na silipin ang mga lumabas na report sa social media kung saan ang mga relief goods na inihatid sa mga probinsya ay nire-repack umano ng ilang mga pulitiko at nilalagyan ng pangalan at larawan ang mga relief bags bago ipamahagi sa mga biktima.
Kung totoo aniya ito, ay nakakadagdag ito sa pagka-delay ng distribusyon ng kinakailangang tulong para sa mga nasalanta.
Sa oras aniya na meberipika ang ulat ay inirerekomenda ni Barbers na agad sampahan ng kaso ang mga mapagsamantalang pulitiko.