Imposible para kay Bureau of Corrections (BuCor) Spokesperson Gabriel Chaclag na sadyain nila ang pagpatay sa mga high-profile inmates kasama na si Jaybee Sebastian.
Reaksyon ito ng opisyal makaraang lumutang ang ilang espekulasyon na ginagamit lamang nila ang COVID-19 para mailigpit ang ilang high-profile inmates.
Sa ‘Laging Handa’ public press briefing, sinabi ni Chaclag na ni kailanman ay hindi ito sumagi sa kanilang isipan.
Sa katunayan, mayroong dokumentasyon, mga larawan at mga saksi na makapagpapatunay simula noong tamaan ng virus ang mga inmate, hanggang dalin sila sa isolation facilities at hanggang sa mamatay at i-cremate.
Nais umano nilang ipakita o papuntahin ang mga kamag-anak ng mga ito pero sadyang delikado dahil sa nakakahawa ang COVID-19.
Kasunod nito, handa aniya ang pamunuan ng BuCor na humarap sa anumang ikakasang imbestigasyon.
Kahapon aniya ay may nagtungong taga NBI sa Bilibid at sila naman ay nagcomply sa mga hinihingi nilang dokumento.
Matatandaang maliban sa agam-agam na sinadya ang pagkamatay ng mga inmates, may ilan ding nagdududa na nakawala si Sebastian kaya sinabi na lamang na ito ay namatay dahil sa COVID-19.