Sa pagdinig ng Senate Committee of the Whole na pinamumunuan ni Senate President Tito Sotto III ay nagisa si Agriculture Secretary William Dar makaraang kontrahin ng mga senador ang rekomendasyon nitong itaas ang dami ng inaangkat na karne ng baboy at ibaba ang taripa nito.
Paulit-ulit na tanong ni Senator Cynthia Villar, kung ano ang binasehan ng DA sa nabanggit na rekomendasyon dahil kung ibabatay sa local demand sa pork ng mga nakaraang taon ay hindi naman kailangang umabot sa 400,000 metriko tonelada ang aangkating karne ng baboy.
Kinuwestyon din ni Villar, kung bakit pinapababaan pa ang taripa sa pork imports gayong nasa 5% to 7% na buwis na ipinapataw sa 70% ng mga inaangkat na baboy na karamihan ay lamang-loob lamang o hindi magandang parte kaya mura lang.
Depensa naman ni Secretary Dar, pinag-aralan nilang mabuti ang rekomendasyon bago pinaaprubahan sa Pangulo.
Sinabi ni Dar na sa kanilang pag-analisa ay kukulangin ng 388,643 metric tons ang karne ng baboy ngayong taon sa bansa dahil nananatili ang African Swine Fever (ASF).
Samantala, binigyang diin ni Dar na wala siyang kinalaman sa ibinunyag ni Senator Panfilo “Ping” Lacson na sindikato sa DA (Department of Agriculture) na nagpapataw ng “tongpats” o komisyon sa importasyon ng karne ng baboy.