
Naitala ng Department of Health (DOH) ang 23% na pagbaba ng kaso ng dengue sa buong bansa nitong nakalipas na buwan ng Marso.
Sa naging pahayag ng DOH, nasa 9,289 na kaso ng dengue ang naitala mula March 16- 29, 2025 na mas mabababa sa naitalang 12,050 kaso mula March 2-15, 2025.
Bukod dito, naitala rin ng DOH ang 0.36% case fatality rate o katumbas ng apat na indibidwal na nasawi mula sa 1,000 kaso ng dengue.
Isa sa mga nakikita ng DOH na dahilan kung bakit bumaba ang kaso ng dengue ay mga hakbang na ginagawa ng mga komunindad upang mapigilan ang pagkalat ng sakit.
Inihalimbawa rito ang pagpapanatili ng kalinisan lalo na ang posibleng pinamamahayan ng mga lamok at ang early consultation sakaling makaranas ng sintomas ng dengue.
Muli namang paalala ni Health Secretary Ted Herbosa na patuloy na gawin ang mga hakbang upang mapigilan ang pagkalat ng dengue saka hinikayat ang mga may sintomas na magtungo sa Dengue Fast Lane sa mga DOH hospital sa buong bansa.