Pamunuan ng DILG inatasan ang PNP na paigtingi pa ang operasyon laban sa loose at illegal firearms

Inihayag ni Department of the Interior and Local Government o DILG Benjamin “Benhur” C. Abalos, Jr. sa Buhay Ingatan, Droga’y Ayawan o BIDA Bayanihan ng Mamamayan Fun Run at Serbisyo Caravan na tinatrabaho na ng Philippine National Police o PNP ang mga insidente ng pananambang sa ilang mga local officials nitong mga nakaraang araw.

Inatasan na rin ni Abalos ang PNP na mas paigtingin pa ang kampanya laban sa mga Private Armed Groups at ilegal na armas o loose firearms sa bansa, lalo na sa bahagi ng Mindanao.

Ayon pa kay Abalos, nagbigay rin siya ng direktiba sa PNP na paigtingin ang police visibility sa mga komunidad para magdalawang-isip ang mga masasamang-loob at mapanatag rin ang kalooban ng mamamayan.


Hinihiling din ng kalihim ang pakikiisa at pakikipagtulungan ng publiko sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa bansa kung saan hangad aniya ng DILG  na ang publiko ay maging katuwang sa paglaban sa kriminalidad at pagsugpo sa mga grupo o indibidwal na sumisira sa ating bansa at nagtatanim ng takot sa puso ng mga mamamayan.

Matatandaan na nitong mga nakalipas na araw ay inambush si Lanao del Sur Governor Mamintal “Bombit” Alonto-Adiong, Jr., Vice Mayor Rommel Alameda ng Aparri, Cagayan at ang pinakahuli ay si Mayor Ohto Montawal  ng Tunggol, Datu Montawal, Maguindanao del Sur. Nakaligtas si Gov. Adiong at Mayor Montawal samantalang nasawi naman si Vice Mayor Alameda.

Facebook Comments