Tiniyak ni Transportation Secretary Arthur Tugade sa publiko na ligtas ang mga commuter na sumasakay sa buong stretch ng EDSA Busway.
Ginawa ng kalihim ang pahayag matapos ang nangyaring insidente noong Mayo 31 sa Ortigas kung saan isang lalaking nagpanggap na may kapansanan ang nagtangkang manaksak ng isang I-Act Transport Marshall na miyembro ng Philippine Coast Guard.
Batay sa report na nakarating kay Secretary Tugade, nangingikil ng pera sa mga pasahero ang lalaki na kinilala sa alias na Ariel.
Naalarma ang mga pasahero sa lugar dahil armado ito ng kutsilyo na nagbabantang mananaksak kapag hindi binigyan ng pera.
Sa pagresponde ni I-Act Transport Marshal Seaman Second Class Julius Gibran Abundol III, ay binitawan nito ang kaniyang saklay at hinabol si Abundol.
Dahil sa insidente, umaapela si Secretary Tugade sa commuters na maging alerto at ipagbigay-alam sa mga nagbabantay na tauhan ng I-Act at Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) ang mga may kahina-hinalang indibidwal.