Nilinaw ng pamunuan ng East Avenue Medical Center (EAMC) sa Quezon City na hindi sila natatambakan ng mga namatay dahil sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Kasunod na rin ito ng alegasyong itinatambak lamang umano sa hallway ng kanilang ospital ang mga bangkay na positibo sa COVID-19.
Sa interview ng RMN Manila kay East Avenue Medical Center Director Dr. Alfonso Nuñez, binigyan diin nito na naha-handle ng tama ang bangkay ng mga nasawing pasyente sa kanilang ospital.
Giit ni Nuñez, sapat ang kanilang supply ng body bags para sa mga bangkay.
“Ito ay bunga ng isang empleyado namin na humihingi ng donations of body bag dahil nakikita niya ‘yong… baka gamitin in the future. ‘Yon lang. Pero ang problema nito, hindi siya nakipag-coordinate sa pamunuan, hindi siya sumunod sa protocol kasi mayro’ng mga body bags or kada bag na naka-pack kami dito sa ospital.”
Itinanggi rin ng opisyal na nakatanggap sila ng “directive, order or statement” mula sa Lokal na Pamahalaan ng Quezon City at kay Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III na upang itigil ang pagtatala ng COVID-related death numbers.
Maging ang report na dumaraan pa umano sa DOH ang mga donasyon para sa East Avenue Medical Center ay mariin din pinabulaanan ni Nuñez.
“’Yong mga donations po kasi, naging policy ng hospital sa amin, mayro’n kaming central office na nag-aasikaso ng mga donation and ito po ‘yong Material Management and Supply Office. Sila ang bahalang mangolekta ng donations, magpick-up, magtago at magdistribute ng mga donations. ‘Yong donations, galing ‘yan kung saan-saan at most of the time dito dumadaan sa opisina ko, sa Office of the Medical Center Chief… at para makasigurado rin ‘yong mga donors na mayro’n talagang pupuntahan ‘yong mga donations nila.”
Kahapon ay ininspeksyon ni Health Secretary Duque ang East Avenue Medical Center kung saan muli nitong sinabi na hindi totoong patung-patong ang mga bangkay sa ospital.