Nakahanda na ang pamunuan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) para sa ilalatag na seguridad sa paggunita ng Semana Santa at summer vacation.
Ayon kay NCRPO Chief Major General Vicente Danao Jr., nasa mahigit 10,000 police officers ang ipapakalat para tiyakin na maayos at mapayapa ang peace and order ngayong Semana Santa at buong summer vacation.
Sa paggunita ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) Lenten season, nasa kabuuang 1,501 na mga police officers ang kanilang idi- deploy sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila gaya ng mga simbahan, malls, palengke, at iba pang mga commercial at community areas.
Titiyakin naman ng PNP na istriktong nasusunod ang health and safety protocol gaya ng social distancing at paggamit ng face mask at face shield.
Bukod sa mga pulis, nakipag-ugnayan na rin ang NCRPO sa kanilang counterpart sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at maging sa mga Local Government Units (LGUs), kasama na rito ang nasa 15,343 force multipliers na kinabibilangan ng mga Barangay Peacekeeping Action Team, traffic enforcers, security guards at mga volunteer groups para tumulong sa public safety services.
Pinatututukan din ni Danao ang strict implementation ng health and safety protocols, anti- criminality campaign at iba pang preemptive measures habang nasa new normal set-up ang rehiyon.