Manila, Philippines – Tiniyak ni QCPD District Director Chief Supt. Guillermo Eleazar na hindi lilikha ng kaguluhan kung tatalima sila sa kanilang kasunduan ang mga militanteng grupo na magsasagawa ng kilos protesta sa SONA ni Pangulong Rodrigo Duterte sa darating na Lunes, July 24.
Ayon kay Eleazar, pinulong niya ang mga ibat ibang lider ng militanteng grupo kabilang ang grupong Bayan sa pangunguna ni Bayan Sec. Gen. Renato Reyes at nagkaroon ng mga kasunduan hinggil sa kanilang mga gagawing aktibidades sa SONA ng Pangulo.
Paliwanag ni Eleazar, sakaling lumabag ang mga militanteng grupo sa kanilang napagkasunduan mayroon mga alternatibong gagawin ang QCPD na posibleng hindi magugustuhan ng mga militanteng grupo.
Hindi naman binanggit ni Eleazar para sa seguridad ng QCPD at ng lungsod kung ano ang kanilang mga gagawing hakbang sakaling lumabag sa napagkasunduan ang mga militanteng grupo.
Giit ni Eleazar inatasan na nito ang lahat ng mga tauhan ng QCPD na ipairal pa rin ang maximum tolerance sa SONA ni Pangulong Duterte at bilang Ground Commander nakasalalay umano sa kanyang mga kamay ang magiging resulta ng SONA ng Pangulo sa Lunes.