Pamunuan ng Quiapo Church, may mga pakiusap sa gagawin nilang mga aktibidad sa pista ng Itim na Poong Nazareno

Nakikiusap ang pamunuan ng simbahan ng Quiapo sa publiko partikular sa mga deboto na sumunod sa mga patakaran sa ilalatag nilang aktibidad.

Ito’y may kaugnayan sa pista ng Itim na Poong Nazareno sa darating na January 9, 2023.

Sa abiso ng pamunuan ng Quiapo Church, hiling nila sa mga deboto na magsuot pa rin ng face mask, pairalin ang physical distancing at mag-disinfect sa tuwing dadalo ng mga misa bago at sa araw mismo ng kapistahan.


Bukod dito, nanawagan din ang pamunuan ng Quiapo Church sa iba pang simbahan na ipagdiwang ang pista ng Itim na Nazareno upang kahit papaano ay hindi na dumagsa pa ang mga deboto sa isasagawang misa.

Hinihimok din ng Quiapo Church ang mga deboto na maiging makinig at manood ng live streaming ng misa upang hindi na makipagsiksikan pa sa kanilang simbahan.

Sa gagawin naman Pagpugay na kapalit ng pahalik sa Quirino Grandstand, nanawagan ang pamunuan ng Quiapo Church na pairalin pa rin ang health protocols upang maiwasan ang hawaan ng COVID-19.

Bukod dito, may mga special lane na itatalaga ang pamunuan ng Quiapo Church para sa mga Person with Disabilities (PWDs), mga buntis at mga nakakatanda sa gagawing Pagpugay sa Itim na Poong Nazareno.

Facebook Comments