Umapelang muli sa Inter-Agency Task Force ang pamunuan ng Quiapo Church na dagdagan ang bilang ng mga debotong papayagang makapasok sa loob ng simbahan kahit sa mismong araw ng kapistahan ng Itim na Nazareno sa Enero 9.
Ayon kay Father Douglas Badong, Parochial Vicar ng Quiapo Church, nanawagan siya sa IATF na dagdagan pa hanggang 50 percent ang kapasidad ng simbahan.
Umaasa naman silang ikokonsidera ng IATF ang kanilang hiling para maraming deboto ang maa-accommodate.
Kasabay nito, hinikayat naman ni Father Badong ang mga debotong huwag nang magdala ng replika ng Itim na Nazareno partikular ang mga may karwahe.
Sayang kasi aniya ang espasyo dahil malaki ang makukuha nito na para na lang sana sa mga deboto.
Sa ngayon, handang-handa na ang Quiapo Church at ang buong pwersa ng Manila Police District (MPD) sa posibleng pagdagsa ng mga deboto sa kapistahan ng Itim na Nazareno sa Enero 9.