Pamunuan ng SPD, inulan ng mga reklamo laban sa umano’y NBI consultant na naaresto sa robbery extortion case sa Pasay City

Nagsisipaglutangan na ang iba pang mga biktima ng nagpakilala na National Bureau of Investigation (NBI) consultant na naaresto ng mga tauhan ng Special District Operation Unit ng Southern Police District (SPD) dahil sa pangongotong ng halagang ₱250,000 sa dalawang Chinese national na na-rescue rin ng NBI sa Sta. Lucia, Pasig City.

Ayon sa SPD, simula nang mabanggit ang pangalan ng NBI consultant ay marami nang lumutang na mga biktima upang ireklamo rin sa kahalintulad na kaso.

Matatandaan na isang babae ang nagpasaklolo sa mga operatiba ng SPD upang i-report na mayroong nagpakilalang NBI agent na humihingi ng ₱250,000 kapalit ng kalayaan ng dalawang Chinese national na nasagip din kabilang ang 70 mga na-rescue ng NBI sa Sta. Lucia, Pasig City.


Sabi ni SPD acting District Director PCol. Kirby John Brion Kraft na marami na umanong lumulutang sa kanilang tanggapan makaraang maaresto si Larry Marbid dahil sa pangongotong.

Napag-alaman na modus umano ng suspek na magpakilalang NBI agent at hinihingian ng pera ang kanyang mga biktima pero masusi pa ring iimbestigahan ng SPD ang mga nakakalap pa nilang mga impormasyon hinggil sa reklamo laban sa suspek kasabay ng paghikayat sa mga nabiktima na huwag matakot na mag-report sa pulisya kung nabibiktima sila ng nasabing suspek.

Facebook Comments