Panahon ng pandemya, gamiting oportunidad para sa family bonding – DSWD 

Hinimok ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pamilyang Pilipino na gamitin ang kasalukuyang COVID-19 pandemic situation sa ‘family fun time.’ 

Bilang chair ng National Committee on the Filipino Family (NCFF), pinangungunahan ng DSWD ang pagdiriwang ng 28th National Family Week mula September 21 hanggang 27, 2020. 

Ayon kay DSWD Secretary Rolando Bautista, mahalagang nagbibigay ng quality time ang mga magulang sa kanilang mga anak ngayong panahon ng pandemya. 


Binigyang diin ni Bautista, ang pamilya ang first-line of defense ng paglaban ng pamahalaan sa COVID-19. 

Maaari ring gawing oportunidad ang kasalukuyang sitwasyon upang makapagbonding ang buong pamilya sa pamamagitan ng sama-samang paggawa ng gawain. Gabayan ang mga anak sa kanilang aralin at hikayatin silang makibahagi sa gawaing bahay. Kumain nang sama-sama o kaya naman maglaan ng family fun time katulad ng paglalaro ng puzzles or board games o panonood ng pelikula bilang isang pamilya,” sabi ni Bautista. 

Sinabi ni Bautista na mahalagang mapangalagaan ng bawat miyembro ng pamilya ang kanilang mental health. 

Mahalaga rin po na kumustahin ang miyembro ng pamilya dahil ang lahat, kabilang ang bata at nakatatanda ay maaaring makaranas ng stress, takot, pangamba at pagkabalisa dulot ng pandemya. Hikayatin sila na magbahagi ng kanilang nararamdaman at makinig sa kanilang hinaing. Ibahagi ang nararamdanan na takot at pagkabalisa sa panahon ng pandemya,” ani Bautista. 

Nagpaalala rin ang kalihim sa mga magulang na bantayan ang kanilang mga anak at tiyaking hindi sila ma-e-expose sa ‘online predators.’ 

Pinag-iingat din ng kagawaran ang mga pamilya sa pagpo-post ng personal information ng kanilang mga kasama sa iba’t ibang social media platforms. 

Maraming kabataan ang gumugugol ng kanilang oras online, mahalagang masubaybayan ang mga anak sa paggamit ng Internet at mapaalalahanan ang bawat isang miyembro ng tahanan na maging mapanuri at maging maingat sa pagpopost, pakikipag-usap at sa pagbabahagi ng personal na information online,” giit ni Bautista. 

Bago ito, nagbabala ang Save the Children Philippines (SCP) sa publiko laban sa pagsali sa mga trending online challenges tulad ng #dropyourbeautifuldaughterchallenge at iba pang related hashtags dahil maaaring malagay sa panganib ang mga bata lalo na sa online sexual abuse at exploitation. 

Facebook Comments