Umaasa ang ilang mga kongresista na mas mapapalakas pa ang larangan ng sports sa bansa matapos na makamit ni Hidilyn Diaz ang gintong medalya sa 2020 Tokyo Summer Olympics.
Para kay Deputy Speaker at 1PACMAN Partylist Rep. Michael Romero, umaasa siyang magsisilbing lakas ng loob at inspirasyon sa mga Filipino Olympians na lalaban sa Tokyo Olympics ang tagumpay ni Diaz para makapag-uwi rin ng gintong medalya.
Ayon naman kay AP Partylist Rep. Ronnie Ong, ang Olympic victory ni Diaz ay maging daan sana para mas maengganyo ang mga kabataan na sumabak sa sports at magkaroon ng “healthy life.”
Ngunit mas mahalaga aniya na ang panalo ni Diaz ay magpakilos sa mga sports policy makers na mapagbuti at matulungan ang mga atletang Pinoy sa hinaharap na maaaring makapagdala rin ng Olympic gold medals para sa Pilipinas.
Pinuri naman ni PBA Partylist Rep. Jericho Nograles ang buong team ni Diaz, mula sa trainers hanggang conditioning coaches, at kahit mga tagasuporta at mahal sa buhay na hindi bumitaw at tumulong sa Pinay weightlifter champion.
Dagdag ni Gabriela PL Rep. Arlene Brosas, sadyang kabilib-bilib ang pagkamit ng gintong medalya ni Diaz matapos talunin ang atleta ng China, at hindi rin ito nagpaapekto nang minsang masangkot sa “Oust Duterte matrix” habang humihingi ng suporta para sa mga atletang Pilipino.