Pananaga, Naitala sa Magkahiwalay na Lugar sa Cagayan

Cauayan City, Isabela- Dalawang insidente ng pananaga ang magkasabay na naitala nitong buong magdamag sa magkahiwalay na lugar sa Lalawigan ng Cagayan.

Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan, dakong alas 11:10 kagabi sa Brgy Centro 1, Sanchez Mira nang pagtatagain sa mukha at balikat ang biktimang si Jhon Calaoagan, 22 anyos, binata, construction worker at residente ng Brgy Santo Tomas, Claveria, Cagayan.

Una rito, nakikipag-inuman ang biktima sa suspek na kinilalang si Alfonso Javier, 35 anyos, may-asawa, construction worker at residente naman ng Brgy Dacal, Sanchez Mira, Cagayan kasama ang iba pang mga katrabaho nang magkaroon ng matinding alitan ang biktima at suspek.


Agad na inilabas ng suspek ang kanyang itak at itinaga ng tatlong beses sa mukha at balikat ng biktima.

Narespondehan naman ito ng mga pulis kaya’t agad na naidala sa isang pagamutan ang biktima subalit inilipat sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC) para mabigyan ng karampatang lunas.

Nadakip rin ang suspek at dinala sa PNP Sanchez Mira para sa kaukulang dokumentasyon at tamang disposisyon.

Samantala, isang magsasaka rin ang pinagtataga dakong alas 11:30 kagabi sa Sitio Limasan, Brgy. San. Vicente, Sta. Ana, Cagayan.

Kinilala ang biktima na si Jojo Arugay, 44 anyos, may asawa habang ang mga suspek ay ang mag-amang sina Eddie Anama at Gerald Anama na pawang mga residente sa naturang barangay.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, habang nag-uusap sa harap ng bahay ng isang nagngangalang Pidoy ang dalawang saksi na sina Jhun Paleg at Ronaldo Ranay nang makita ang suspek at sinabing “NALPAS NI TOMAS ARUGAYEN IMBELLENG MI DIDIAY FISH POND NI JOJO PABRO”.

Agad na nagtungo ang dalawang witness sa lugar na binanggit ng suspek hanggang sa maabutan sa gilid ng kalsada ang nakahandusay na biktima na nagtamo ng maraming taga sa katawan.

Dinala rin sa pagamutan ang biktima para mabigyan ng atensyong medical habang nagsasagawa naman ng manhunt operation ang kapulisan para sa ikadarakip ng mag-amang suspek.

Facebook Comments