Pananagasa sa sekyu sa Mandaluyong, case solved na ayon sa PNP OIC

Photo Courtesy: Radyoman Rea Mamogay

Idineklara ni Philippine National Police (PNP) Officer-in-Charge Police Lt. Gen. Vicente Danao Jr. na “case solved” ang kaso ng hit-and-run sa isang security guard sa Mandaluyong na sumikat sa viral video.

Ito ay makaraang personal na humarap sa kaniya sa Camp Crame ngayong tanghali ang pangunahing suspek sa insidente na si Jose Antonio Sanvicente kasama ang kaniyang mga magulang at abogado.

 

Sa press conference, inamin ng mga magulang ng suspek na nagdesisyon na silang humarap sa PNP kasama ang kanilang anak matapos mapanood ang “ultimatum” na binigay ni Lt. Gen. Danao na aarestuhin ang suspek kapag hindi pa rin ito sumuko.


Siniguro rin ng mga magulang ni Sanvicente na handa silang sagutin ang lahat ng medikal na pangangailangan ng biktima ng hit-and-run na kasalukuyang nasa ospital.

Sinabi naman ni Danao na ngayong sumuko na ang suspek ay isasailalim ito sa preliminary investigation para sa pagsasampa ng kaukulang kaso.

Magkakaroon aniya ng pagkakataon ang suspek na sa korte na magpaliwanag.

Facebook Comments