Hindi pa tiyak ang Palasyo ng Malacanang kung may nalabag bang batas si National Youth Commission Chairman Ronald Cardema matapos itong magsumite ng petisyon sa Commission on Elections na palitan niya ang kanyang asawa bilang nominee ng Duterte Youth Partylist.
Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Secretary Salvador Panelo, hindi niya alam kung nagpaalam si Cardema sa Office of the President na aalis na ito sa kanyang posisyon at magsasubstitute sa kanyang asawa bilang nominee.
Pero sinabi ni Panelo na titingnan nila kung mayroon bang nalabag na batas si Cardema matapos nitong iwan ang NYC.
Matatandaan kasi na sinabi ni Panelo na deemed resigned na si Cardema matapos itong magsumite ng kanyang petisyon sa Comelec at sa ngayon ay naghahanap na si Pangulong Duterte na papalit dito.
Batay naman sa lumabas na balita ay nagbitiw na si Cardema sa posisyon noong biyernes lamang at wala pang impormasyon ang Malacanang dito at kung natanggap na ni Pangulong Duterte ang pagbibitiw ni Cardema.