Manila, Philippines – Tiniyak ni Senator Bong Go na mananagot kay Pangulong Rodrigo Duterte ang nagpalaya sa mahigit 1,914 na preso na convicted sa karumal-dumal na krimen kasama ang nagtangkang magpalaya kay dating Calauan Mayor Antonio Sanchez.
Base sa reports, August 20 sana papalayain si Sanchez at ang lumabas na release order niya ay pirmado mismo ni Bureau of Corrections o BuCor chief Nicanor Faeldon.
Ayon kay Go, hindi rin naaabisuhan ang Pangulo sa paglaya ng halos 2,000 mga bilanggo dahil sa Good Conduct Time Allowance o GCTA law.
Nauna ng sinabi ng Palasyo na lahat ng mga preso na sangkot sa heinous crime pero pinalaya ng maaga ay dapat maibalik sa kulungan.
Sinabi ni Go na pagdinig ngayon ng Senado ay hihimaying mabuti at sisilipin ang aplikasyon ng batas at ang pag-grant ng GCTA sa mga bilanggo.
Layunin aniya ng imbestigasyon ng Senado na ayusin ang sistema at siguraduhin na hindi maipagkakait ang hustisya para sa mga biktima ng mga krimen.