Manila, Pilippines – Kinampihan ni House Speaker Gloria Arroyo ang pananahimik ni Pangulong Rodrigo Duterte sa isyu ng pagbangga at pag-abandona ng isang Chinese vessel sa bangka ng 22 mangingisdang Pinoy sa Reed o Recto Bank.
Ayon kay Arroyo, ito ang tamang tugon nina Pangulong Duterte at Foreign Affairs Secretary Teddy Boy Locsin sa hit and run incident sa karagatang sakop ng bansa.
Kailangan aniya ng calibrated response at maging civil sa isyu dahil dapat kaibiganin ang China na isa sa pinakamalaking kapitbahay na bansa ng Pilipinas.
Inamin rin ni Arroyo na noong siya ang Pangulo ng bansa ay pinaigting ang diplomatic ties sa Beijing at sa katunayan ay halos taun-taon itong bumibiyahe doon.
Mababatid na matapos ang insidente ay wala pang naririnig na pahayag mula kay Pangulong Duterte bagaman at naghain na ng diplomatic protest ang Pilipinas dahil sa pag-abandona sa mga mangingisda.