Iniutos ng pamahalaang lungsod ng Quezon City na imbestigahan ang marahas na aksyon ng ilang miyembro ng Task Force Disiplina sa lalaking sumuway daw sa quarantine protocol ng siyudad.
Sa viral video, makikita ang 5 hanggang 6 na lalaki na nakapalibot sa tindero raw ng isda habang paulit-ulit itong hinahampas ng yantok.
Bukod sa panghahataw, nakatikim din ng mga suntok at tadyak mula sa awtoridad ang sibilyan.
Maririnig din ang pag-iyak at pagsigaw ng lalaki tuwing sinasaktan ng kinauukulan.
Ang kalunos-lunos na insidente, naganap noong Lunes ng hapon sa labas ng isang condominium sa Panay Avenue, Barangay South Triangle.
(BABALA: SENSITIBONG VIDEO)
Kuwento ng mga saksi, may mental disorder ang tinderong nasa viral video na kinilalang si Michael Rubuia, 38 taong gulang.
TINDERO, PUMALAG, MINURA ANG AWTORIDAD NANG SITAHIN AT ARESTUHIN – BRGY/QC TASK FORCE DISIPLINA
Pero paliwanag ng traffic chief na si Ariel Morales, tatlong beses na raw nasita ng kanilang mga tanod si Rubuia, na hindi residente ng lugar, dahil pabalik-balik sa naturang puwesto.
Maayos daw kinausap ng mga operatiba ang lalaki pero katakot-takot na mura ang inabot nila.
Iginiit naman ni Rannie Ludovica, pinuno ng QC Task Force Displina, na nananakit ang biktima habang hinuhuli ng kaniyang mga tauhan.
Dagdag pa niya, lumabas sa inquest ng pulisya na positibo ito sa ipinagbabawal na gamot.
Samantala, siniguro ng lokal na gobyerno na mapaparusahan ang sinumang lumabag sa batas at nagpaalalang pairalin ang pasensya hangga’t may enhanced community quarantine.
“The City Government shall never condone any acts of violence or violation of human rights, regardless of reason or justification, especially when committed by an official or employee of the city government or any of the city’s barangays.”
“All its personnel and agents are strongly reminded to always conduct themselves with proper decorum and restraint, and to observe compassion and tolerance especially in these difficult times,” pahayag ng QC government.
Nakakulong ngayon si Rubuia sa Quezon City Police District Station 10 na nahaharap sa kasong resistance and disobedience to a person in authority.