Pananakit ng traffic enforcer sa motorista, sapul sa video

Screenshot captured from Zaldy Eugenio's video on Facebook

Viral ngayon sa internet ang bidyo ng pagmumura at pananakit ng isang traffic enforcer sa motoristang na-flat ang gulong ng sasakyan nitong Miyerkoles.

Idinaan ni Zaldy Eugenio sa social media ang reklamo niya sa opisyal ng Task Force for Transport and Traffic Management na kinilalang si Danilo Usi.

Batay sa Facebook post ng drayber, kinukumpini niya ang nasirang gulong sa gilid ng Scout Chuatoco St, sa lungsod ng Quezon City nang lapitan siya ng dalawang enforcer.


Aniya, tinanong siya ni Usi kung gaano katagal mag-aayos ng gulong.

Sumagot si Eugenio na maari siyang umabot ng 30 minuto.

Pero tugon ng enforcer, kailangan niyang matapos sa loob ng 15 minuto dahil may dadaan umanong VIP.

Makalipas ang ilang sandali, bigla na siyang minura ni Usi at sinuntok sa kanang parte ng mukha. Kitang-kita din sa video na tumilapon ang cellphone ng biktima.

Tila hindi pa nakuntento ang enforcer sa ginawa sa motorista dahil tinekitan pa niya ito.

Ayon kay Dexter Cardenas, hepe ng nasabing traffic task force, agad nilang sinibak si Usi dahil sa ipinakitang asal kay Eugenio.

Dagdag pa ng ahensiya, hindi nila kinukunsinti ang ganitong ugali ng mga traffic enforcer.

Facebook Comments