Pananakot, pamamahiya sa mga ‘di pa makabayad ng utang, gustong ipagbawal

Image from pxfuel.com

MAYNILA – Hindi puwedeng mamahiya o manakot habang naninigil ng utang.

Ito ang nakasaad sa panukalang batas na inihain ni Sen. Sherwin Gatchalian na naglalayong ipagbawal ang ‘di makatarungan paraan ng paniningil.

Sa ilalim ng Senate Bill No. 1336 o “Fair Debt Collections Practices Act”, bawal na ang “paggamit ng mapanlinlang o abusadong pangongolekta ng utang”.


Isinusulong niya ang batas para wakasan ang “harassment o pang-aapi” sa mga hindi agad makabayad, partikular na sa social media.

“Layunin nito ang pagtanggal ng abusado at hindi makatarungang pangongolekta ng debt collectors ng utang laban sa mga kababayan nating nangangailangan,” pahayag ng mambabatas.

Aniya, nakasaad din sa panukala ang proteksyon naman ng mga hindi mapagsamantalang debt collector.

Bukod sa “pambabastos” o “bullying”, hindi rin puwedeng isapubliko ang impormasyon ng mga may utang lalo na kung walang permiso.

Ang sinumang lalabag ay maaring pagmultahin hanggang P30,000.

Facebook Comments