Pananatili ng COVID Alert Level 2 sa Metro Manila, paraan ng pagsasanay sa new normal ayon sa PNP

Naniniwala si Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Dionardo Carlos na ang pagpapanatili ng Alert Level 2 sa Metro Manila at ilan pang mga Local Government Unit (LGU) hanggang sa katapusan ng buwan ay makakatulong para masanay ang mga tao sa new normal.

Sinabi ng PNP chief, ang pagbaba ng Alert Level ay maaaring magresulta sa pagiging masyadong kampante ng mga tao sa kabila ng pananatili ng banta ng COVID-19.

Mas importante aniya sa ngayon ang istriktong pag-obserba sa health protocols dahil malimit nagtitipon-tipon ang mga tao sa panahon ng kampanya.


Mas mahalaga aniyang masanay ang publiko sa mas istriktong alituntunin para manatili silang disiplinado sa pag-obserba ng health protocols kung dumating ang panahon na ipatupad na ang new normal sa Alert Level 1.

Sinabi pa ng PNP chief na istrikto ring ipatutupad ng PNP ang mga health protocol sa mga lugar sa bansa depende sa kanilang Alert Level.

Sa ngayon ay may pitong lugar nalang ang nasa COVID Alert Level 3: Iloilo City, Iloilo Province, Guimaras, Zamboanga City, Davao de Oro, Davao Occidental at South Cotabato.

Facebook Comments