Sa isang forum ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP) ngayong umaga, May 3, 2018 na dinaluhan ng mga mamamahayag sa radyo at sa publikasyon, mga panauhing pandangal na sina DILG Prov’l Dir Agnes De Leon, CESO IV, Pangasinan, COMELEC Provincial Supervisor Atty. Marino Salas, Ms. Lita V. Catabay na Sr. Enforcement & Investigation Officer NFA Lingayen, at Former Pangasinan Provincial Administrator Raffy Baraan, sa pangunguna ng Chairperson ng KBP Pangasinan Chapter, Mr. Mark Gemson Espinosa ng RMN-iFM Dagupan, ay ibinahagi ni Ms. Catabay ng NFA Lingayen ang katotohanang wala pang suplay ng NFA rice sa kanilang bodega ngayon, dahilan kung kaya’t wala ring NFA rice sa mga pamilihan.
“Ang NFA po ngayon ay wala pong bigas sa bodega as of today… naghihintay pa lang po sa imported rice na aangkatin… wala rin po tayong NFA rice sa palengke pero for the min time na wala pong NFA rice, in coordination po tayo sa GRACO o Grains Retailers Association… ito ay bigas na tulong sa bayan, commercial rice na nagkakahalaga ng 39 pesos sa merkado…” pahayag ni Ms. Lita V. Catabay, Sr. Enforcement & Investigation Officer NFA Lingayen nang tanungin kung kumusta ang suplay ng bigas sa Pangasinan.
Ang mga outlet na nakapagbibenta ng GRACO rice ay sa Alaminos, Lingayen, Dagupan City, Mangaldan, Bayambang, at Mangatarem. Ito umano ang initial outlets para sa paglulunsad ng 39 pesos commercial rice.
Samantala, 709,778 sacks of rice ang nagsi-circulate sa buong Western Pangasinan na tinantsang tatagal ng 75 days. Sapat pa ito subalit hindi kayang punan ang pangangailangan ng DSWD, Office of the Civil Defense, at iba pang ahensya na tumutulong kung may mga kalamidad na dumating sa ngayon.
Dahil dito, hinihikayat ng NFA na magtipid ang mga mamimili, sa pagkonsumo ng bigas. Kainin lamang ang kayang ubusin. Hangarin nila na hindi lang mabalanse ang kakulangan sa suplay ng NFA kundi para makabuti rin sa bawat tahanan at hapag-kainan ng mga Pangasinense.
Bagama’t walang stock ng bigas na nasa bodega ng NFA Lingayen, tiniyak nila na normal ang suplay ng bigas sa Western Pangasinan. Inaasahan namang makapaglalabas ng NFA rice sa buwan ng Hunyo kasabay ng pagbaba ng presyo ng bigas sa merkado.
Ulat ni Melody Dawn C. Valenton