Panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte na ibalik ang parusang kamatayan sa mga drug-related crimes, inalmahan ng ilang minority senators

Inalmahan ng ilang minority senators sa pamumuno ni Senate Minority Leader Franklin Drilon, ang panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte na ibalik ang parusang kamatayan sa mga drug-related crimes sa pamamagitan ng lethal injection.

Ayon kay Senator Risa Hontiveros, dapat pagtuunan ng pansin ng palasyo ang pagpapasigla ng ekonomiya, hindi ang pagbabalik ng death penalty.

Giit naman ni Drilon, hindi dapat unahin ang pagbabalik ng death penalty dahil mahina pa ang justice system ng bansa at may pandemyang kinakalaban ang pamahalaan.


Kasabay nito, hindi rin pinaboran ni Integrated Bar of the Philippines (IBP) President Domingo Egon Cayosa ang panawagan ni Pangulong Duterte na ibalik ang parusang kamatayan.

Aniya, mas importanteng alisin ang korupsyon sa pamahalaan at magtanggal ng mga opisyal na sangkot dito kaysa ibalik ang death penalty.

Hindi rin best solution sa problema sa droga ang kamatayan, dahil pwede naman itong pagbayaran sa loob ng kulungan.

Nanawagan din si Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) Spokesperson Fr. Jerome Secillano, na magkaroon ng public consultation para sa panawagang ibalik ang parusang kamatayan.

Sa pamamagitan kasi nito ay posibleng mabigyan pa si Pangulong Duterte ng dahilan para i-reconsider ang panawagan nito.

Facebook Comments