Mas pinaigting pa ng grupong President Isko Movement (PRIMO ISKO) ang panawagan upang singilin ang pamilya Marcos sa kanilang ₱203 billion na estate tax liability.
Kasunod na rin ito ng isinagawang human chain picket-protest kahapon, Abril 27, 2022 sa Scout Circle sa Quezon City.
Ayon kay PRIMO ISKO National Chairman Nato Agbayani, final and executory na ang desisyon ng Korte Suprema kaya wala ng dahilan ang pamilya Marcos para hindi sila magbayad ng buwis.
Giit nito, nararapat lamang na singilin na sila ng Department of Finance (DOF) at Bureau of Internal Revenue (BIR).
Una na ring nagkilos protesta ang grupo sa harapan ng BIR, Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Cogeo Market at Department of Human Settlements and Urban Development (DHUD) upang kalampagin ang gobyerno at ipaalala sa mga Pilipino ang hindi pagbabayad ng buwis ng mga Marcos.
Bukod sa PRIMO ISKO, kinondena rin ng grupong Aksyon Demokratiko at Association of Genuine Labor Organization (AGLO) ang hindi pagbabayad ng ₱203 billion estate tax liability ng mga Marcos.
Naungkat din ang mga paglabag sa karapatang pantao ng pamilya Marcos noong panahon ng Martial Law.
Nabatid na hindi bababa sa 100,000 katao ang biktima ng Martial Law simula ng ideklara ito ni Dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. noong 1972.
Batay sa Amnesty International, sa nasabing bilang, 70,000 rito ang naaresto, 34,000 ang na-torture habang umakyat sa 3,240 ang pinaslang.