Hindi kailangang buwagin ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID).
Ito ang iginiit ni Presidential Legal Counsel Salvador Panelo sa harap ng mga panawagan ng ilang mambabatas na buwagin na ang IATF dahil sa paglala ng mga kaso ng COVID-19 sa Pilipinas.
Nakadagdag pa rito ang paglabas ng isang draft kung saan pinagbabawalan umano ng Department of Health (DOH) ang ilang kompanya na bumili ng sarili nilang bakuna.
Katwiran ni Panelo, nakabase naman sa siyensya ang mga hakbang na ginagawa ng IATF.
“Ngayon pa tayo bubuwag e ngayon nga tayo may problema. Isang taon na yan… yan ay napag-aralan na natin at natuto na tayo d’yan kaya hindi mo kailangang buwagin yan. So far, ang ginagawa naman nila ay based on science e,” paliwanag ni Panelo.
Kasabay nito, umapela si Panelo na tigilan ang pamumulitika sa gitna ng pandemya.
“Huwag na po nating i-pulitika ito. Alam ko malapit na ang eleksyon at bawat banat ninyo sa gobyerno, scoring points para doon sa mga kumokontra. Pero hindi ho ito ang panahon niyan. Mag-usap tayo sa pulitika pero base lang sa tamang paliwanag o mga pahayag hindi yung sa halip na makatulong tayo, nakakabigat pa tayo kasi the more you give misinformation, lalong nalilito ang tao e,” giit ni Panelo.
“Magtulungan na lang tayo,” panawagan niya.