
Tablado sa Malacañang ang panawagan ni Akbayan Rep. Chel Diokno na alisin ang ₱250 bilyong unprogrammed appropriations sa 2026 national budget.
Ayon kay Diokno, tila nagiging “pork barrel” ang unprogrammed appropriations at nanawagan siyang alisin ito sa budget.
Pero sabi ni Palace Press Officer Claire Castro, hindi ito pork barrel kundi reserbang pondo na nagagamit ito sa biglaang pangangailangan ng gobyerno, lalo na sa panahon ng kalamidad o emergency.
Hindi rin aniya ito basta-basta nailalabas dahil kailangan ng kumpletong dokumento bago maaprubahan.
Giit ng Palasyo, may malinaw na mekanismo para bantayan ang paggamit ng pondo at tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi ito maaabuso.
Nasa ilalim din ito ng tinatawag na conditional implementation para masigurong tama ang paggastos.
Binigyang-diin ni Castro na maraming programa ng gobyerno ang nakasalalay sa unprogrammed funds kaya hindi ito puwedeng gawing zero budget.









