PNP, mag-iisyu ng subpoena kontra sa isang social media user patungkol sa paghihimok umano ni PNP Chief Nartatez sa mga kapulisan at militar na sumuway sa utos ng pangulo

Inihahanda na ng Philippine National Police (PNP) ang subpoena kontra sa isang social media user matapos itong mag-post sa isang social media account kung saan sinasabi nitong hinihikayat ni PNP Chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang mga pulis, militar at ilang mga uniformed personnel na sumuway sa utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos.

Sa isinagawang punong pambalitaan na ginanap sa Kampo Krame, sinabi ni PNP Spokesperson and Information Chief Brig. Gen. Randulf Tuaño na ang nasabing post ay tinanggal na at natukoy na ang pagkakakilanlan ng nasabing nagpakalat ng maling impormasyon sa publiko.

Hindi naman pinangalanan ni Gen. Tuaño ang nasabing social media user ngunit nagbigay sya ng hint na ito ay isang propesyonal na nakatira sa Mindanao.

Dagdag pa nya, ang nasabing pahayag ng poser ay gawa-gawa lamang kung saan intensyon lamang nito na maghatid ng pagkalito sa lahat.

Maaring maharap sa paglabag sa Cybercrime o Revised Penal Code Article 154 ang nasabing poster.

Tiniyak naman ng PNP, na patuloy nilang susunduin ang mga pambatas na utos ng Commander-in-Chief at Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., at iaangat pa lalo ang integridad, disiplina at propesyonalismo sa lahat ng kanilang operasyon.

Facebook Comments