Pandemic paid leave, inihain sa Kamara

Isinusulong ng MAKABAYAN sa Kamara ang panukala na bigyan ng ‘pandemic paid leave’ ang mga empleyado sa private sector na napilitang mag-quarantine at mag-leave muna sa trabaho dahil sa COVID-19.

Sa House Bill 7909, inaatasan na bigyan ng mga private employers ng 14 na araw na dagdag na paid leave at full pay ang mga tauhan na na-expose sa coronavirus disease.

Sa mga “floating workers” o “involuntary out of work” pero may trabaho pa rin ay inaatasan ang mga private employers na bigyan ang mga ito ng maximum na 60 days paid leave at 80% na sahod.


Paglilinaw naman ni Gabriela Rep. Arlene Brosas, ang paid pandemic leave ay sasagutin naman ng pamahalaan.

Kukunin ang dagdag na pondo para sa nasabing benepisyo mula sa available funds ng Department of Labor and Employment (DOLE), Social Security System (SSS), at naipong savings sa kasagsagan ng pandemic.

Tinukoy ni Brosas na namomroblema ang mga manggagawa at empleyado sa private sector na na-expose sa COVID-19 gayundin ang mga naka-forced leave o floating bunsod ng pagsasara ng mga kumpanya at negosyo na apektado ng lockdown.

Aniya, ang mga ito ay walang sweldo at ipon, bukod pa sa nahaharap sa panganib ang kalusugan sa COVID-19.

Bukod dito, kapos din ang mga kumpanya sa sick leaves kaya kailangan na madagdagan at maisabatas ang pandemic paid leave.

Facebook Comments