Iginiit ni Vice President Leni Robredo na dapat pagtuunan ng gobyerno ang mga hakbang kung paano maibsan ang epekto ng COVID-19 pandemic kaysa sa tutukan ang Charter Change (Cha-Cha).
Sa programang Biserbisyong Leni sa RMN Manila, sinabi ni Robredo na ang pag-amiyenda sa Konstitusyon ay maling paraan para ireporma ang partylist system.
Bagama’t kailangang ireporma ang partylist system, para sa Bise Presidente, ang Cha-Cha ay ‘dangerous exercise’ at hindi nito mareresolba ang problema.
Binanggit ni Robredo ang ilang pag-aaral na isinagawa ng ilang independent agencies na ang Pilipinas ay isa sa mga bansang mahina sa nagpapatuloy na pandemya.
Hindi dapat aniya binabaling ng gobyerno ang atensyon nito sa mga isyung walang kaugnayan sa pandemya.
Mahalagang matulungan ang mga kababayang pinadapa ng nagpapatuloy na krisis.