Manila, Philippines – Nilinaw ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na hindi siya kumambyo tungkol sa matrix ng “oust Duterte plot”.
Pinupuna kasi si Panelo noong sabihin niya sa press briefing na ipinadala lang sa kanya ang matrix ng isang hindi kilalang numero.
Giit ni Panelo – galing mismo kay Pangulong Rodrigo Duterte ang matrix na kanyang inilabas sa press briefing sa Malacañan noong Abril 22.
Dagdag pa ni Panelo – may inutusan ang Pangulo para ipadala sa kanya ang matrix.
Iginiit Ni Malou Mangahas ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ) – isang kalokohan ang matrix at basta na lamang itong inilabas na walang kasamang ebidensya.
Sinabi naman ni Nonoy Espina ng National Union of Journalist of the Philippines (NUJP) – fake news ang matrix dahil layon lamang nito na patahimikin ang mga miyembro ng media
Tila aniya simula na ito ng mala-“martial law” na pagsasara sa media.
Sa datos ng Center for Media Freedom and Responsibility aabot na sa 128 kaso na ng pananakot at pangha-harass at pag-atake sa media ang naganap sa ilalim ng administrasyong Duterte.