Umapela si Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo sa mga senador na bigyan ng pagkakataon ang mga government official na gawin ang kanilang trabaho hinggil sa procurement ng COVID-19 vaccines.
Matatandaang naglunsad ang Senado ng pagdinig hinggil sa immunization program ng gobyerno kung saan kabilang sa mga nasasabon ay si Vaccine Czar Carlito Galvez Jr. dahil sa pagtanggi niya na sabihin ang aktwal na presyo ng mga bakuna.
Ayon kay Panelo, umaasa siya na ang mga mambabatas na pumupuna sa vaccination program na pagkatiwalaan ang mga opisyal na nangangasiwa sa pagbili ng ligtas at epektibong bakuna.
Iginiit ni Panelo na ang mga bibilhing bakuna ay dadaan sa mahigpit na pagbusisi mula sa financial partners gaya ng World Bank at Asian Development Bank.
Dagdag pa ni Panelo, hindi hawak ni Galvez ang pondo ng gobyerno para sa pagbili ng bakuna.
Ang anumang financial transaction ay gagawin sa pagitan ng concerned multilateral agency at vaccine suppliers.
Hindi rin hahayaan ni Pangulong Rodrigo Duterte na mabahiran ng korapsyon ang vaccine procurement.
Nasa ₱82.5 billion ang pondo ng pamahalaan para sa vaccine purchase, kung saan ₱70 billion ay magmumula sa loans, ₱2.5 billion mula sa 2021 national budget at ₱10 billion mula sa Bayanihan 2 law.