Bagaman may mga sariling obserbasyon sa sitwasyon ng sistemang pang transportasyon sa Metro Manila base sa karanasan kaninang umaga sa commute challenge, walang plano si Presidential spokesman Atty. Salvador Panelo na i-report ito kay Pangulong Duterte sa gagawing cabinet meeting mamaya sa Malakanyang.
Sinabi ni Panelo na sa ngayon ay baka alam na ni Pangulong Duterte ang ginawa niyang commute challenge.
Kung tatanungin aniya siya ng Pangulo hinggil dito ay saka lamang siya magsasalita.
Ni hindi na aniya niya kailangan pang ipabatid kay Transportation Secretary Arthur Tugade ang problemang nakita niya sa kalsada dahil siguradong alam naman na nila ito.
Kabilang sa mga problemang ito ay ang matinding trapik dahil sa dami na ng mga sasakyan sa Metro Manila, kasama na aniya rito ang maraming bulok nang sasakyan pero nasa kalsada pa rin at nakabbiyahe at ang mas mabilis na pagdami ng mga sasakyan kaysa madagdagan ang mga kalsada.
Kaya naman aniya hindi tumitigil ang mga ahensiya ng gobyerno sa paghahanap ng solusyon para maibsan ang pahirap sa publiko.
Pangunahin na aniya sa solusyon na ginagawa ngayon ng gobyerno ay ang Build Build Build Program tulad ng pagtatayo ng subway, pagpapalapad ng mga kalsada, magbigay ng bagong ruta at pagpapalawak ng mga tulay.