Ngayong umaga magtutungo sa Project 6 ang medical team ng Quezon City Health Department para hanapin ang pangatlong pasyenteng nakitaan ng sintomas ng COVID-19.
Isang lalaki na nasa 50’s ang edad ang tinutunton ng Quezon City LGU dahil hindi ito nakita sa address na ibinigay ng DOH.
Sabi ni Quezon City Mayor Joy Belmonte, ang panibagong kaso sa lungsod ay kasama na sa 24 na may confirmed cases ng COVID-19 na binanggit kahapon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Tatlong indibidwal na sa Quezon city ang naitala na may kaso ng Coronavirus o COVID-19.
Ito ang kinumpirma ni Mayor Belmonte na bukod sa naunang 57 taong gulang na lalaki na nakatira sa Baler St. sa District 1, may dalawa pang kaso ang naitala sa lungsod.
Ang pangalawa ay isang lalaki na nasa 30’s ang edad at nakatira sa Victoria Towers Condominium sa Timog Quezon City.
Nasa isolation room na ito ngayon sa isang ospital sa labas ng Quezon City. Isinailalim na rin sa disinfection process ang gusali na tinitirhan nito.
Sinabi pa ni Belmonte, minomonitor na rin ng City Health Department ang isa pang kapatid nito na pumayag namang magpasailalim sa quarantine protocol.