Hinamon ni ACT-Teachers Partylist Rep. France Castro si Pangulong Rodrigo Duterte na unahin munang tutukan ang problema ng bansa sa COVID-19 kaysa ang atupagin ay ang vice presidential bid at ang pag-uudyok kay Davao City Mayor Sara Duterte na tumakbo sa pagka-pangulo.
Giit ni Castro, unahin muna dapat ng pangulo ang pagpapababa sa kaso ng COVID-19 at tulungan ang mga tinamaan ng sakit.
Dahil aniya sa mataas pa ring COVID-19 cases sa bansa, hindi na maitago ng administrasyong Duterte ang pagiging “inefficient” nito sa pagtugon sa problema sa pandemya.
Tinuligsa pa nito na habang may kongkretong balak na sa kanyang political career si Pangulong Duterte ay wala naman itong matatag na hakbang para tugunan ang mahinang pandemic response at problema sa mabagal na vaccination drive sa bansa.
Tinawag naman ng lady solon na pang-showbiz ang patuloy na pagbitin ni Mayor Sara sa plano nito sa 2022 elections at mistulang political gimik lamang ang kunwaring hindi pagtakbo sa susunod na halalan.