Hawak na ng Korte Suprema ang ika-pitong petisyon laban sa Anti-Terrorism Act of 2020.
Ang pinakahuling petisyon ay inihain ng dalawang labor groups na Pro-Labor Legal Assistance Center at Center for Trade Union and Human Rights.
Giit ng mga ito, nilalabag ng Anti-Terrorism Law ang constitutional rights na may due process, judicial procedures, privacy at free association.
Inihain ang petisyon ng labor groups sa kaparehong araw na inihain din ni dating Government Corporate Counsel Rudolf Jurado at ng grupong pinangungunahan nila 1986 Constitutional Commission members Christian Monsod at Felicitas Aquino-Arroyo at ang Ateneo Human Rights Center.
Na-consolidate ng Korte Suprema ang unang apat na petisyon sa en banc session nitong Martes at iniutos sa pamahalaan na magkomento sa loob ng 10 araw mula sa notice.
Isa sa mga petisyon ang nakiusap sa Korte Suprema na ipatigil ang pagpapatupad sa bagong batas ngunit lahat sa mga ito ang kumuwestiyon sa legalidad ng ilang probisyon dahil nilalabag umano nito ang civil rights at due process.
Giit ng mga petisyon, maaaring magamit ang karamihan sa probisyon ng Republic Act 11479 upang bawasan ang kalayaang nakasaad sa Bill of Rights ng Konstitusyon.