Sinabi ni presidential candidate at Vice President Leni Robredo na titiyakin niyang puntahan ang mga pinakamalayo at mahirap na lugar sa Pilipinas dahil alam niyang doon siya pinakakailangan.
Ito mismo ang sinabi ni Robredo sa Polillo Island sa Quezon Province nitong Lunes:
“Lalong malayo, lalong mahirap ang lugar, lalong kaunti ‘yong tao, lalong mahirap puntahan, lalo ko ring pupuntahan dahil alam ko kung gaano kahirap makaabot ‘yong tulong dito sa inyo”.
Ito na ang ginagawa ni Robredo bilang bise presidente at pangakong ipapagpatuloy niya ito kung siya ay mahalal bilang pangulo sa Mayo 9.
Bukod sa Polillo, Quezon, narating na din ni Robredo ang Malamawi Island sa Basilan, Tangcal sa Lanao del Norte, mga Aeta Community sa Aklan, ang Agutaya sa Palawan at iba pang mga liblib na lugar na nangangailangan ng tulong mula sa pamahalaan.
Kahapon ay nagtungo si Robredo sa Zambales, kung saan siya nakipagpulong sa mga mangingisda, magsasaka at kababaihan.
Pinag-usapan nila rito ang kaniyang mga program para sa kanilang mga sektor.
Tiniyak ni Robredo na tutulungan ng pamahalaan ang mga magsasaka na makapagtanim ng mga produkto na hindi agad masisira ng paiba-ibang klima.
Dodoblehin din niya ang budget para sa agrikultura para mapondohanang pangangailangan ng mga magsasaka at mangingisda.
Sa kanyang planong hanapbuhay para sa lahat, tinitiyak ni Robredo na aalisin ang diskriminasyon para makapagtrabaho ng maayos ang mga kababaihan.
Ilan lamang ito sa mga plano ni Robredo para maiangat ang buhay ng lahat ng Pilipino kung siya ang magiging pangulo.