Presidential candidate Senador Ping Lacson, dinalaw ang mga biktima ng hinagupit ng nagdaang Bagyong Agaton

60

Naghatid ng pag-asa at mensahe ng pag-ahon si Presidential candidate Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson sa kaniyang pagbabalik sa bayan ng Estancia sa Iloilo na muling hinagupit ng kalamidad dulot ng Bagyong Agaton.

Inilatag ni Lacson sa harap ng mga residente at lokal na opisyal na nag-abang sa kaniyang pagbisita kahapon, ang kaniyang programa na Budget Reform Advocacy for Village Empowerment (BRAVE) na tiyak umanong makapagbibigay ng kaunlaran sa kanilang bayan.

Sa kaniyang muling pagdalaw sa Estancia, inilahad din ni Lacson ang naging karanasan niya bilang dating Presidential Assistant for Rehabilitation and Recovery sa mga lugar na winasak ng Super Typhoon ‘Yolanda’ tulad ng Iloilo.


Kinumusta ni Lacson ang mga residente at opisyal ng lokal na pamahalaan sa nasabing bayan at nakibalita sa kanilang kwento ng pagbangon.

Ayon kay Lacson, nakausap niya ang dating kagawad na ngayon ay barangay chairman ng Jolog kung saan sinabi nito na ‘fully recovered’ na sila sa hagupit ng Bagyong Yolanda.

Ang agad na pag-aksyon ay ipinairal din ni Lacson nang manalasa naman ang Bagyong Agaton sa Iloilo kamakailan.



Ipinagpaliban ng kaniyang mga volunteer ang kampanya rito noong nakaraang linggo upang magsagawa ng relief operations maging sa mga kalapit na bayan ng Estancia.

Binigyang-diin pa ni Lacson dito ang kahalagahan ng pagbibigay ng maagap na tugon para sa mga nangangailangang kababayan na apektado ng pagdaan ng unos, mayroon mang kapangyarihang magpatupad nito o wala.


Matatandaan na inatasan si Lacson ni dating Pangulong Benigno Aquino III na magsagawa ng koordinasyon sa mga ahensya ng pamahalaan upang bumuo ng komprehensibong plano sa rehabilitasyon at muling pagtaguyod sa mga lugar na winasak ng Bagyong Yolanda noong Nobyembre 8, 2013.

Aniya, sa mga malalaking korporasyon na kanilang hiningan ng tulong, ang magkapatid na business tycoon na sina Fernando Zobel de Ayala at Jaime Zobel de Ayala ang nagboluntaryo para tumulong sa mga residenteng nabiktima ng Yolanda sa Estancia, Iloilo.

Binigyaang diin pa ni Lacson na para tuloy-tuloy ang kaunlaran sa Iloilo, na magiging epektibo ang BRAVE program dahil maibababa na sa lokal na pamahalaan ang pondo galing sa national government para magamit nila sa kanilang mga proyektong pangkaunlaran tulad ng kabuhayan at imprastraktura, na sila mismo ang magpaplano at magpapatupad.

Facebook Comments