Manila, Philippines – Duda si Anakpawis Party list Representative Ariel Casilao sa pahayag ni Pangulong Duterte na ipagpapatuloy ang land reform kahit mayroon o walang usaping pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at ng CPP-NPA-NDFP.
Ayon kay Casilao, malabo ang pahayag ng Pangulo dahil wala namang agrarian reform program sa ilalim ng Administrasyong Duterte kaya wala ding aasahan na pamamahagi ng lupain sa mga magsasaka.
Aniya, mukhang hindi nasabihan ang Presidente na 2014 pa natapos ang Comprehensive Agrarian Reform Program o CARP.
Sa katunayan pa aniya ay nakapaloob sa peace negotiation sa ilalim ng draft ng Comprehensive Agreement on Socio-Economic Reforms (CASER) na isinusulong ng NDFP ang free land distribution taliwas sa CARP na mistulang real estate broker program dahil hindi naman talaga libre ang lupang ipinamamahagi noon sa mga mahihirap.