Sasalain pa ng National Police Commission o ng NAPOLCOM ang listahan ng pangalan ng mga koronel at heneral na naghain ng courtesy resignation.
Maliban pa ito sa vetting process na isasagawa ng binuong 5-man committee.
Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Benhur Abalos, kapag nasala nang maigi ng NAPOLCOM ang listahan ng mga sinasabing tiwaling opisyal ng Philippine National Police (PNP) ay tsaka ito isusumite kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., para sa approval kung sila ay tuluyang sisibakin sa pwesto.
Ani Abalos, mahalagang piling-pili o dumaan sa proseso ang listahan na suportado ng mga intel reports at mga ebidensya.
Samantala, ngayon ding araw inaasahang isasapubliko ng kalihim ang pangalan ng bubuo sa 5-man committee.
Una nang sinabi ni Abalos na kasama si retired police general at ngayo’y Baguio City Mayor Benjamin Magalong sa kumite na siyang magsasagawa ng evaluation at assessment sa 954 full pledge colonels and generals ng PNP upang malaman kung sino ang mga kabilang sa narco-cops o dawit sa kalakaran ng ilegal na droga sa bansa.