Pangamba ng mga residente ng Marawi na kakapusin ang supply ng bigas, pinawi ng NFA

Manila, Philippines – Tiniyak ng National Food Authority (NFA) na may sapat pang supply ng bigas ang ahensya para sa mga lugar na apektado ng armed conflict sa Mindanao partikular sa Marawi City.

Ayon kay NFA Spokesperson Director Marieta Ablaza, hindi dapat mabahala ang mga residente sa lugar dahil mahigit pa sa 2 milyon at 198 daang libong bags ng bigas ang nakaimbak ngayon sa mga NFA warehouse.

Dagdag pa dito ang inaasahang pagdating ng shipment na 250,000 metric tons ng imported rice ngayong buwan ng Agosto at Setyembre.


Mula noong Mayo hanggang Agosto a-2, umaabot na sa 16 libo dalawang daan at apatnapu’t pitong bags ng NFA rice ang naipamahagi sa ilang lugar sa Mindanao sa pamamagitan ng DSWD, Local Government Units, OCD, Office of the Vice President, at Office of the Legislators.

Kabilang sa mga nabigyan ng supply ng bigas ang Bukidnon, Lanao Del Norte, Misamis Oriental sa Region 9, General Santos City sa Region 11, Cotabato City Maguindanao, at Lanao Del Sur sa Region 14.

Facebook Comments