Manila, Philippines – Muling iginiit ng Philippine National Police na walang dapat ikatakot ang publiko lalo na yung mga nasa Metro Manila dahil walang anumang banta sa seguridad kasunod ng kumakalat na memo tungkol sa “umano’y” planong pag-atake ng Maute Terror Group.
Ito ang sinabi ni PNP Spokesperson Chief Supt. Dionardo Carlos kung saan bineberipika pa nila ang intelligence reports na kumalat galing sa police station sa Valenzuela City.
Dagdag pa ni Carlos, wala silang natatanggap na verified information na mayroong gagawing pag-atake ang Maute Terror Group sa kalakhang Maynila.
Pero kung sakaling makatanggap sila ng impormasyon na dumaan sa validation ng Pambansang Pulisya ay kaagad silang magpapalabas ng advisory mula sa kanilang headquarters.
Gayunman, binigyan na ng PNP ng direktiba ang lahat ng kanilang istasyon na maging full alert sa lahat ng oras.