Manila, Philippines – Pinawi ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang pangamba ng publiko sa kalakhang Maynila kasunod ng pag-atake ng Maute Group sa Marawi City.
Ayon kay NCRPO Director, Chief Supt. Oscar Albayalde – walang dapat ika-alarma ang publik sa Metro Manila dahil wala pa naman silang namo-monitor na banta.
Tiniyak din ni Albayalde na hindi nila minamaliit o ipinagsasawalang bahala ang mga banta ng terorismo sa bansa.
Aniya, naka-full alert status na rin ang NCRPO bunsod ng bakbakan sa Marawi pati na rin ng pagpapasabog sa concert ng pop star na si Ariana Grande sa Manchester Arena.
Pinapayuhan pa rin ng NCRPO ang publiko na mag-ingat at maging alerto sa anumang banta.
Payo ni Albayalde, maghanda na sa mga mas pinaigting na checkpoints, paninita at pinaigting na police visibility.
Nanawagan na rin ang ilang lokal na opisyal na maging kalmado at alerto kasabay ng pag-utos sa pulisya na bantayan ang mga vital installations sa kanilang mga lugar.
DZXL558