Pinahupa ni Ways and Means Committee (WMC) Chairman Joey Salceda ang pangamba sa naitalang pagtaas ng bilang ng mga nawalan ng trabaho sa buwan ng Setyembre.
Batay sa Philippine Statistics Authority (PSA), 4.25 million na mga manggagawang edad 15 pataas ang nawalan ng trabaho nitong Setyembre, mas mataas kumpara sa 3.88 million naitala noong Agosto.
Paliwanag ng kongresista, bagamat umakyat sa 370,000 ang bilang ng mga unemployed persons sa bansa, ito naman aniya ay dulot ng “seasonal effects” sa agrikultura.
Aniya, hindi pa kasi buwan ng anihan at ilang buwan pa ang aabangan bago ulit ang harvest season kaya naman inaasahang sa huling bahagi pa ng taon makakabangon ang mga trabahong pang-agrikultura at ito ay makikita naman sa susunod ding Labor Force Survey (LFS).
Tinukoy rin ng mambabatas ang pagbaba sa Youth Labor Force Participation Rate (LFPR) mula sa 37.8% noong Agosto sa 35.8% na lamang nitong Setyembre gayundin ang pagbaba ng youth unemployment rate o mga kabataang wala trabaho mula sa 84% noong Agosto sa 82.3% na lamang nitong Setyembre.
Ipinagpapalagay naman ni Salceda ang development ng bilang na ito sa pagpapatuloy ng klase kung saan tumaas ang trabaho sa education sector ng 115,000.
Kung titingnan aniya, sa kabuuan ay mas naging matatag pa ang job situation sa bansa mula Abril hanggang sa kasalukuyan.
Magkagayunman, malaking concern pa rin aniya ang sitwasyon ng unemployment dahil maliit lang ang nagiging epekto ng vaccination rate para lubusang mabawasan ang bilang ng mga walang trabaho sa bansa.