Nilinaw ng Malakanyang na walang militarisasyon sa gagawing pagtunton sa mga residenteng nagpositibo sa COVID-19 pero mga naka-home quarantine.
Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, may pangangailangan kasing ilagay sa quarantine facilities ang mga mild at asymptomatic individuals sa halip na mag-home quarantine para hindi na sila makahawa pa sa iba.
Gayunman, kung makasusunod sa ilang itinakdang requirements ang mga residenteng mild at asymptomatic, tsaka pa lamang ito papayagang mag-home quarantine.
Kabilang dito kung may sarili itong banyo at kwarto upang makaiwas na makihalubilo sa iba.
Dapat din ay walang kasamang nasa vulnerable sector tulad ng nakatatanda, buntis at may karamdaman o comorbidity.
Una nang nilinaw ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na ang mga local health worker ang makikipag-ugnayan o makikipag-usap, kukuha at maglilipat sa quarantine facilities sa mga mild at asymptomatic individuals.
Ang mga pulis naman ay magsisilbing escort lamang at titiyak na naipatutupad ang mga lockdown policy sa mga apektadong barangay o lugar.