Pinatitiyak ni Senator Risa Hontiveros ang pangangalaga sa kapakanan ng mga mamamayan ng Sitio Kapihan na apektado ng pagkansela ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa kasunduan sa pagitan ng Socorro Bayanihan Services Inc. (SBSI).
Kaugnay na rin ito sa kanselasyon ng DENR sa pinasok na Protected Area Community-Based Resource Management Agreement (PACBRMA) sa SBSI matapos na makitaan ang organisasyon ng mga paglabag sa kasunduan sa pagtatayo ng komunidad sa Sitio Kapihan.
Ayon kay Hontiveros, dapat na magtulung-tulong ang mga ahensya at ang lokal na pamahalaan ng Socorro, Surigao del Norte para masiguro na mapapangalagaan pa rin ang kapakanan ng mga residenteng kasama na namuhay sa protected area.
Giit ng senadora, biktima lamang din sila ng kahirapan na naniwala sa mga pangako at panloloko ni Senyor Agila.
Sinabi ng mambabatas na mahalagang matiyak na magkaroon ng maayos na reintegration at rehabilitation plan ang komunidad ng Kapihan upang makapamuhay naman ang bawat myembro ng may dangal at diginidad.