Target matapos hanggang Sabado ng Task Force Degamo ang pangongolekta ng impormasyon mula sa 10 suspek na hawak na ng mga awtoridad sa ngayon.
Kaugnay pa rin ito sa karumal-dumal na pamamaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at walong iba pa noong Marso 4.
Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla sa naganap na joint pressconference ng Philippine National Police (PNP), Department of Justice (DOJ), Department of National Defense (DND) at Armed Forces of the Philippines (AFP) kahapon sa Office of Civil Defense (OCD) isasapormal pa ang mga statement ng mga suspek.
Naniniwala ang kalihim na sa mga susunod na araw ay matutukoy na ang mastermind sa nasabing krimen mula na rin sa mga impormasyong isisiwalat ng mga suspek.
Ayon naman kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos maraming nakukuhang impormasyon mula sa mga suspek at mas mainam kung ilalatag ito sa publiko ng isahan na lamang.
Nabatid na siyam mula sa 10 hawak na mga suspek sa pagpatay kay Degamo ay pawang mga dating sundalo samantalang ang isa naman ay ex-military trainee kung saan nasa lima hanggang anim na karagdagang mga suspek pa ang kanilang pinaghahahanap.